Noong ika-2 ng Abril, lumikas ang halos 140 na pamilya mula sa mga apektadong komunidad dahil sa walang habas na pambobomba ng militar dulot umano ng engkwentro sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines at New People’s Army. Nakabalik na sa kanilang mga pamayanan ang mga lumikas noong ika-4 ng Abril ngunit malaking pinsala ang idinulot nito sa kalikasan, kabuhayan, at seguridad ng mga mamamayan ng Abra at Ilocos Sur. Dahil dito, naantala ang pag-aani at bumaba ang kalidad ng tabako na pangunahing pinagkakakitaan ng mga nasabing komunidad. Hirap silang makabalik sa lupang sinasaka lalo kung madilim na, bunsod ng matinding trauma na dulot ng takot na magkaroon ulit ng putukan at bombahan.

Noong nakaraang linggo, sumama ang AGHAM-Advocates of Science and Technology for the People sa inilunsad na National Humanitarian and Relief Mission para sa mga mamamayan ng Brgy. Baballasioan, Sta. Maria, Ilocos Sur at Brgy. Nagcanasan at Brgy. Gapang, Pilar, Abra, kaugnay ng pambobomba sa mga nabanggit na komunidad. Ang humanitarian mission ay pinangunahan ng Redemptorist Church at National Council of Churches in the Philippines, kasama ang mga organisasyon mula sa iba’t-ibang mga sektor. Sa kabila ng pandarahas ng mga militar at kapulisan sa mga lumahok sa humanitarian mission, matagumpay pa ring nakapagbahagi ng relief packs at nakapagbigay ng psychosocial support ang mga volunteer sa mga residente na apektado ng pambobomba.

Sa gitna ng malalang krisis na kinakaharap ngayon ng ating mga magsasaka dahil sa El Niño at kapalpakan sa pagtugon ng pamahalaan dito, inuna pa ng rehimeng US-Marcos ang mga anti-mamamayang agresyon. Patuloy rin ang pagsira sa ating kalikasan mula sa walang habas na pambobomba at development aggression tulad ng mga proposed large dams, mining exploration at iba pa, na hindi lamang nagaganap sa Ilocos at Abra kundi sa iba’t ibang panig na rin ng bansa.

Mariing kinukundena ng AGHAM ang tahasang paglabag sa International Humanitarian Law, at matinding pinsalang dulot ng pambobomba sa ating kalikasan. Dapat managot ang mga may sala dito, lalo na si Pangulong Marcos Jr., na siyang nagpapahintulot sa mga karasahang ito, imbes na magbigay ng suporta’t ayuda sa mga nasalanta ng matinding tagtuyot dulot ng El Niño.

Sa napipintong Balikatan Exercises sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos sa ika-22 ng Abril hanggang ika-10 ng Mayo ngayong taon, na tinatayang pinakamalaki sa kasaysayan, muling maiipit ang ating bayan sa gitgitan ng mga imperyalistang bansa, ngayon nama’y sa pagitan ng China at US. Magbubunga lamang ito ng mas malala pang paglabag sa karapatang pantao ng sambayanang Pilipino at karagdagang pagkasira sa ating kalikasan.

Nananawagan ang AGHAM sa lahat ng mga syentista, inhinyero, at iba pang S&T practitioners na kundenahin ang paggamit ng agham at teknolohiya laban sa mamamayan. Isang malaking hamon sa atin na gamitin ang ating dunong at kakayanan sa agham at teknolohiya hindi para sa pagkasira ng buhay at kabuhayan ng mamamayan, kundi para sa kanilang pag-unlad. Isulong natin ang agham at teknolohiya para sa sambayanan.#


0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *