Pinakamataas na pagpupugay ang pinapaabot ng AGHAM – Advocates of Science and Technology for the People sa minamahal nating kaibigan, kasama, at siyentista ng bayan na si Warner Carag. Pumanaw si Warner ngayong umaga, sa gitna ng pakikipaglaban sa sakit simula noong nakaraang buwan.
Mula sa pagiging masiyahin at palaisip na estudyante ng agham hanggang sa pagbabahagi ng kanyang dunong at husay para sa ikabubuti ng mga lokal na komunidad, masasabing tunay na isinabuhay ni Warner ang diwa ng isang siyentista ng bayan.
Nag-aral si Warner sa Philippine Science High School at sa University of the Philippines Diliman sa kursong BS Biology at MS Geology. Marahil kilala niyo siya bilang the hugging activist, kung saan nadokumento sa isang makasaysayang litrato ang pagyakap niya sa isang pulis habang nagkagitgitan noong SONA 2013. Ngunit, mas malalim at malawak pa ang naging saklaw ng kanyang pagkilos. Gamit ang kanyang kaalaman sa mga larangang kanyang pinag-aralan ay lumahok siya sa mga environmental investigation missions (EIM) para malaman ang epekto ng mga mapanirang proyekto sa iba’t-ibang komunidad. Isa siya sa mga volunteer researcher sa mga EIM na nag-imbestiga hinggil sa epekto ng Jalaur Dam sa mga komunidad ng Tumandok sa Panay, at sa proyektong Aerotropolis ng San Miguel na nagpaalis ng mga coastal community sa Bulacan.
Hindi natapos sa mga research ang ambag ni Warner dahil naintindihan niya na importante ang papel ng mga siyentista sa paglaban para sa karapatan, demokrasya, at hustisya. Masikhay niyang ipinaglaban ang kapakanan ng mga STEM workers para sa makataong pagtrato sa mga manggagawa ng siyensiya. Isa siyang susing convenor ng STEM Alliance, isang alyansa ng STEM workers at graduate students na nagtataguyod ng karapatan ng mga manggagawa ng siyensiya. Naging bahagi din siya ng pagbubuo ng Scientists and Technologists Say No to Tyranny o (SnT)², isang malapad na alyansa ng mga indibidwal at organisasyon sa larangan ng agham at teknolohiya na tutol sa tiraniya at mga paglabag sa karapatang pantao.
Si Warner ay gumampan rin bilang Secretary-General ng AGHAM Diliman noong 2018-2020. Naging malaki ang kanyang ambag sa pagbubuklod ng sektor ng agham at teknolohiya sa UP Diliman upang makapaglunsad ng mga matatagumpay na kampanya at pananaliksik. Malapit siya sa mga batang graduate students at research assistants ng iba’t ibang institutes, at nagsilbing sandigan ng hinaing ng mga STEM Workers. Bukod dito, kilala rin siya ng mga batikang propesor sa kolehiyo, kung kaya’t madaling nailalapit sa kanila ang ilang mga taktikal na isyu ng lipunan.
Bilang isang siyentista, ipinamalas ni Warner kung paano gamitin ang agham at teknolohiya upang pagsilbihan ang mamamayan. Habang kami ay nalulungkot sa kanyang pagpanaw, pinipili naming gunitain ang kanyang alaala – isang kaibigan at masayahing kasama, matatag, at mapagmalasakit. Isang inspirasyon sa kanyang dedikasyon sa bayan.
Hanggang sa muling pagkikita, Warner. Ang iyong diwa ay mananatiling buhay sa aming mga puso at sa aming patuloy na pakikibaka para sa isang makatao at makatarungang lipunan!
John Warner Carag
Siyentista ng Bayan!
Dec 22, 1990 – Aug 29, 2024
0 Comments