Hindi pa man nakakabangon sa delubyong dulot ng Habagat at Carina, kaninang madaling araw, 1:10AM, July 25 ay lumubog ang MT Terra Nova, isang oil tanker na naglalaman ng 1.4 M litro ng industrial fuel oil (IFO) sa Lamao Point, Limay, Bataan.

Bunsod nito, posibleng magkaroon ng pagkalat ng langis sa mga coastal communities ng Manila Bay kung hindi agad ito mako-contain. Ang IFO ay nakakalason at pinag-iingat ang publiko sa epekto nito sa kalusugan, kabuhayan at kalikasan. Matatandaan na noong nakaraang taong 2023, lumubog ang MT Princess Empress sa karagatan ng Mindoro Oriental at nagdulot ng tinatayang P41.2B pinsala sa kalikasan at P1.1B pinsala sa kabuhayan dulot ng oil spill.

EPEKTO NG OIL SPILL
Ang langis na karaniwang tumatagas mula sa mga barko ay mapanganib at nakakalason. Ito ay naglalaman ng pinaghalong mga heavy metals tulad ng mercury, arsenic, at lead, pati na rin ng iba’t ibang hydrocarbons na:
> maaaring magdulot ng pangangati sa balat, iritasyon sa paghinga, at kanser. Ang paglanghap ng oil vapors o simoy ng alon mula sa dagat na apektado ng oil spill ay maaaring magdulot ng sakit ng ulo, pagkahilo, pagduduwal, pagsusuka, at pangangati ng mata at lalamunan.
> maaaring makaapekto sa kaikasan at saribuhay o wildlife. Depende sa lubha ng oil spill, maaaring magdulot ng fouling o oiling sa mga hayop at halaman, na nakakaapekto sa kanilang paglaki o di kaya’y pagkamatay.
Kapag hindi naagapan ang oil spill, malaki ang epekto nito sa kalikasan, kabuhayan at kalusugan ng mga komunidad na nakabatay sa yamang dagat. Sa ilang mga pagkakataon ay nagpapataw ng fishing ban o pagbabawal sa pangingisda hangga’t hindi nawawala ang banta ng oil spill.

MGA DAPAT GAWIN KUNG MAY OIL SPILL SA INYONG LUGAR
> Iwasan ang mga lugar kung saan makikita o maaamoy ang langis. Kung kaya ay umalis agad sa mga apektadong lugar.
> Iwasan ang direktang paghawak sa langis, tubig at lupa na nahawaan nito. Hugasan agad ng malinis na tubig at sabon ang mga bahagi ng katawan na nadampian ng langis.
> Ipagbigay alam agad sa mga awtoridad at komunidad kapag may nakitang banta ng oil spill na papalapit.
> Kung makakaranas ng sintomas kagaya ng sakit ng ulo, pagkahilo, pagsusuka, pagkati ng lalamunan, o kahirapan sa paghinga, magpunta agad sa pinakamalapit na clinic o ospital.
> Kuhanan ng mga larawan o video ang langis o oil slick (yung tila makintab na langis) sa inyong lugar.

MGA HINDI DAPAT GAWIN KUNG MAY OIL SPILL SA INYONG LUGAR
> Huwag lumangoy o sumisid sa tubig na apektado ng oil spill. Wag na wag iinumin ang kontaminadong tubig.
> Huwag mangisda o mangkolekta ng mga lamang-dagat kagaya ng alimango sa mga apektadong lugar, dahil ang mga ito ay maaaring kontaminado ng nakalalasong langis.
> Huwag magtangkang linisin ang oil spill lalo na kung walang kasanayan o training at proper protective equipment sa ganitong trabaho. Kung hindi parte ng clean up ay mas mabuti kung lisanin muna ang lugar para mapadali ang paglilinis.
Sa gitna nang ating paghahanda sa maaaring idulot na negatibong epekto ng oil spill sa mga komunidad at sa mga maaapektuhang ecosystems, ating itaas ang panawagan sa pagpapanagot sa nakaambang disaster na ito.
Ang infographic na ito ay inihanda ng AGHAM Advocates of Science and Technology for the People. July 2024

Sanggunian:
– AGHAM, CEC, Serve the People Corps. (2023). Rapid Biophysical Socioeconomic and Health Impact Assessment of Oil Spill Incident in Pola and Calapan, Oriental Mindoro, Philippines. (unpublished). http://agham.org/…/rapid-impact-assessment-of-oil…/
– Cabico, G. K. (n.d.). Mindoro oil spill damage valued at P41.2B — report. Philstar.com. https://www.philstar.com/…/mindoro-oil-spill-damage…
– Natural Resource Defense Council [NRDC]. (2010). OCEAN FACTS: Oil Spill Do’s and Don’ts for the Florida Keys: Protecting Yourself and Your Family from the Health Impacts of the Oil Spil. – Natural Resource Defense Council. Retrieved July 25, 2024, from https://www.nrdc.org/sites/default/files/KeysOilSpill.pdf
Oil spills. (n.d.). National Oceanic and Atmospheric Administration. https://www.noaa.gov/…/resource…/ocean-coasts/oil-spills
#ManilaBayOilSpill

0 Comments

Leave a Reply

Avatar placeholder

Your email address will not be published. Required fields are marked *